Brian Chesky

Kumusta? Si Brian 'to. Isang taon na 'kong nagho-host sa bahay ko rito sa San Francisco. Nakakilala ako ng mabubuting tao at masaya ang mga pagsasama-sama namin. Isa sa mga paborito ko ang pagsasama-sama namin sa gabi sa may fire pit. Mukhang mas natutuwa pa kaysa sa 'kin si Sophie ro'n.

[Masiglang Musika]

Paglalarawan sa eksena

Direktang nakikipag-usap sa camera si Brian nang may malapitang kuha ng mukha niyang may magiliw na ngiti. Habang nagsasalita siya, nagtampok ng mga litrato ng mga sandaling may kasama siyang mga bisita. Una, nakaupo siya sa may mesa sa sala niya habang kumakain ng salad kasama ang dalawang tao. Pagkatapos, nakaupo siya sa isang armchair sa patio niya habang nakikipag-usap sa dalawang tao na nakatalikod sa camera. Hinahaplos ang Golden Retriever niyang si Sophie. Lumipat sa ibang anggulo ang eksena kasama ng dalawang taong 'yon kung saan si Sophie ang sentro ng atensyon, at may liwanag na nanggagaling sa fire pit na nasa likod ni Brian at ng mga bisita niya. Sa mesa, may plato ng mga cookie. Panghuli, sa lokasyong ding iyon pero ibang bisita na ang kasama, madilim ang larawan kaya lalong nabigyang-pansin ang fire pit. Kumakain ng cookie si Brian habang inuusisa ni Sophie ang plato at nakasentro ang atensyon ng bisita kay Sophie.

Brian Chesky

Ang di gaanong nakakatuwa, 'yong pangangasiwa sa listing. Masyadong komplikadong gamitin ang app. Alam na ninyong isa ang pangangasiwa ng listing sa pinakamahahalagang bahagi ng pagho-host. Doon nakikilala ng mga bisita ang tuluyan. Napatunayan na ring nakakakuha ang mga mas detalyadong listing ng hanggang 20% pang booking. Pero talagang mahirap magdagdag ng mga detalye sa listing.

Paglalarawan sa eksena

Habang kinakausap ni Brian ang camera, nagpalipat-lipat sa dalawang kuha ang video. Sa mas malawak na kuha, masisilip ang nasa paligid niya: nakaupo siya sa harap ng bilog na mesang yari sa kahoy at nakapatong doon ang phone niya. Sa bandang kaliwa ng screen, may pader na mapusyaw ang kulay at sinasabitan ng painting na may kahoy na frame. Nakapuwesto rin doon ang mababang light wood na kabinet na pinapatungan ng puting orchid at bilog na lamp na may malumanay na ilaw. Sa bandang kanan ng screen, may pader na may mapa ng mundo, mababang upuang may unan na kahugis ng salitang "Airbnb," floor lamp, at light wood na mesa at upuan na nasa istilong Scandinavian at may ilang pandekorasyon.

Nag-zoom in ang isa pang kuha sa mukha ni Brian Chesky kung saan nabigyang-pansin ang buhok niyang nakaistilo nang maayos at ang itim na T-shirt niya.

Brian Chesky

Narito ang halimbawa. Gusto kong idagdag ang fire pit ko. Hahanapin ko muna ang listing ko. Nandito lang 'yon. Sige. Tapos, pupunta ako sa "Mga amenidad." At magso-scroll ako nang magso-scroll… At di ko pa rin 'yon mahanap. Sobrang dali lang dapat nito. Kaya naisip namin, "Pasimplehin kaya natin ang pangangasiwa ng listing para nakakatuwang gawin 'yon?"

Paglalarawan sa eksena

Hinawakan ni Brian ang phone niya, at may malapitang kuha ng screen. Tampok sa screen ang mga mensaheng gaya ng "Maligayang pagbabalik, Brian!", "Mga reserbasyon mo," at iba't ibang detalye ng reserbasyon. Nag-tap siya sa button na may tatlong pahalang na linya sa kanang bahagi sa ibaba at pinili niya ang listing niya. May lumabas na itinatampok na seksyong may label na "Tungkol sa listing" kung saan may mga litrato at mga karagdagang detalye.

Sa puntong ito, pumunta siya sa seksyong "Mga amenidad" at nagsimula siyang mag-scroll para iparating kung gaano kahirap mahanap ang gusto niya. Hindi katagalan, ipinatong niya ang phone sa mesa, at lumipat ang camera sa malapitang kuha ng mukha niya.

Brian Chesky

Kaya 'yon ang ginawa namin. Ipinakikilala ang tab na Mga Listing. Isang paraan ito para madaling mapangasiwaan ang listing at maitampok ang tuluyan. Kapag nag-tap sa "Mga Listing," listing n'yo ang unang lalabas. Para i-edit ang listing ko, ita-tap ko lang 'yon. Nandito ako sa pang-edit ng listing na nahahati sa dalawang bahagi: "Ang patuluyan mo" at "Gabay sa pagdating."

Paglalarawan sa eksena

Habang kinakausap ni Brian ang camera, naging puti ang background, at may lumitaw na mga pulang linyang nagtagpo-tagpo para bumuo ng icon na bahay. Sa ilalim ng simbolong iyon, nakasaad ang "Mga Listing." Lumabas na nagsisilbi ang simbolong iyon bilang button na nasa gitna ng bar sa ibaba sa Airbnb app.

Sa pag-tap sa icon na iyon, lumabas ang mga nilalaman ng "Mga Listing" na maayos na nahahati sa dalawang tab: "Ang patuluyan mo" at "Gabay sa pagdating." Sa ilalim ng mga tab na iyon, may berdeng tagapagpahiwatig ng katayuan na nagsasaad na naka-list ang property.

Brian Chesky

Sa "Ang patuluyan mo" tayo. Dito idaragdag ang lahat ng detalye ng tuluyan gaya ng pamagat, paglalarawan, at mga amenidad. Naaalala n'yong nahirapan akong idagdag 'yong fire pit ko? Ngayon, ita-tap ko lang ang plus sign. Pipiliin ko ang gusto kong kategorya. Nasa labas siyempre ang fire pit ko, at hayon.

Paglalarawan sa eksena

May nakalaang seksyon para sa pag-a-upload ng mga litrato para gumawa ng photo tour. Sa ibaba pa ng screen, nakasaad ang pangalan ng listing. Habang nagso-scroll ang screen, parami nang parami ang nababasang detalye, gaya ng uri ng property, bilang ng bisitang puwedeng mamalagi, detalyadong paglalarawan, mga amenidad, at listahan ng mga accessibility feature. Kinakausap ni Brian ang camera at nagtatanong siya.

Pagkatapos noon, sa app, sa ilalim ng tab na "Ang patuluyan mo," pinili ang "Mga amenidad" pagkatapos ay ang plus sign na nasa kanang bahagi sa itaas ng screen. May lumabas na serye ng mga button para mag-filter ayon sa mga kategorya. Kabilang sa mga iyon ang mga pangunahing bagay, banyo, libangan, mga serbisyo, at outdoor. Pinili ni Brian ang huling nabanggit, at may ilang opsyon na lumabas, kabilang ang likod-bahay, fire pit, at panlabas na muwebles.

Brian Chesky

Do'n naman tayo sa mga litrato na isa sa pinakamahahalagang parte ng magandang listing.

Ganito ang lumalabas sa mga bisita. Mahabang pag-scroll 'to. Pero di hamak na mas maganda ang photo tour. Iginugrupo ayon sa mga kuwarto ang mga litrato para mas malinawan ang mga bisita tungkol sa tuluyan.

Paglalarawan sa eksena

Nagpatuloy si Brian Chesky sa pagsasalita sa tonong nanghihikayat habang kinakausap niya ang camera. Sa app, tuloy-tuloy ang pag-scroll sa gallery ng mga litrato na nagtatampok sa iba't ibang kuwarto sa naka-list na bahay ni Brian.

Mga litrato man ang mga iyon ng lahat ng bahagi ng bahay, mukhang wala sa ayos ang mga iyon. Pero, sa pinakabagong feature ng app, may photo tour na masusing inayos ayon sa kuwarto. Sa itaas ng screen, may mga thumbnail para madaling makapili ng kuwarto, at sa ibaba lang noon, nakaayos ang mga litrato ng napiling bahagi sa paraang mas kapansin-pansin at mas madaling maintindihan. Habang patuloy ang pagso-scroll pababa, nadaanan natin ang maayos at madaling maunawaang pagtatampok sa lahat ng litrato para sa bawat kuwarto.

Brian Chesky

Ang problema lang, masyadong mahirap gumawa ng photo tour. At dahil do'n, 10% lang ng mga listing ang may gano'n. Sa katunayan, kailan lang ako nagkaroon no'n. Pero ngayon, kailangan na lang i-tap ang "Gumawa ng photo tour." Bumuo kami ng iniangkop na AI engine na susuri sa lahat ng litrato at maggugrupo sa mga 'yon ayon sa mga kuwarto. At gano'n lang, boom, buo na ang photo tour ko. Wow. Parang magic talaga.

Paglalarawan sa eksena

Habang nagsasalita si Brian Chesky, nagpalipat-lipat ang camera sa dalawang nabanggit nang kuha. Hawak niya ang phone niya sa kanang kamay niya habang buong-pusong ipinaparating ang mga saloobin niya sa pamamagitan ng mga ekspresyon sa mukha.

Sa paglipat ng kuha sa screen ng app, bumungad ang pang-edit ng listing na may kahon sa bandang ibaba na nagsasaad sa "Mabilisang itampok ang mga litrato ayon sa kuwarto." May tatlong thumbnail na nagsisilbing halimbawa, at sa ibaba ng mga iyon, may puting button na gagawa ng photo tour kapag pinindot. Pinili ang button na iyon at lumabas ang larawang nagtatampok ng ilang patong-patong na litrato at nagsasaad sa tekstong "Inaayos ayon sa kuwarto ang mga litrato." Gumalaw ang mga litrato—nagbago ng laki, nagpatong-patong, at pumuwesto sa apat na magkakasukat na kahon. Pagkatapos ng animation, lumabas ang tekstong "Nakahanda na ang photo tour mo!" Sa ibaba, sa mga puting titik na nasa itim na button, nakalagay ang "Puntahan na!" Nag-click sa button na iyon at nagkaroon ng maikling animation ng pagsasaya bago tumuloy sa ginawang photo tour. May mabilisang pag-zoom in sa mga litrato.

Brian Chesky

Makakapagdagdag na rin ng mga amenidad sa bawat kuwarto. Puwede kang magdagdag ng panibagong kuwarto kahit kailan. At gusto ko 'to. Gumawa kami ng magagandang iniangkop na icon para sa 40 iba't ibang kuwarto at bahagi. Ang astig ng mga 'to. Ito nga, may texture pa. Pambihira ang pagiging detalyado. Salamin ang pagkadetalyadong 'to ng maingat na pagsasaalang-alang namin sa buong disenyo.

Paglalarawan sa eksena

Sa app, malapitan ang pagsuri sa mga litrato. Nag-tap sa kahong may label na "Kuwarto" at dahan-dahang nag-scroll pababa para piliin ang "Mga amenidad." May lumabas na pamagat na "Ano ang nasa kuwartong ito?" nang may mga opsyong gaya ng mga linen sa higaan, mga ekstrang unan at kumot, at mga tabing na pampadilim ng kuwarto. Pinili ang huling dalawang nabanggit.

Pagkatapos, bumalik ang kuha kay Brian na nagsasalita nang buong-puso. Kasabay ng pagbanggit sa mga iniangkop na icon, itinampok sa screen ang iba't ibang matitingkad na 3D icon. May isang icon na lumaki at sumakop sa screen. Tampok doon ang isang sofa na pinapatungan ng manika at dalawang unan. Lalo pang nag-zoom in para ipamalas ang kamangha-manghang detalye sa mga texture.

Brian Chesky

Gano'n mag-edit ng patuluyan. Pagkatapos mag-book ng bisita, mahalagang malaman nila ang gagawin pagdating nila. Pero napakahirap idagdag ang impormasyong 'yon dahil kalat-kalat 'yon sa app. Hindi na ngayon. I-tap ang "Gabay sa pagdating." Maidaragdag sa iisang lugar ang lahat ng impormasyon, kasama na ang detalye ng wifi, manwal ng tuluyan, at mga tagubilin sa pag-check in.

Paglalarawan sa eksena

Habang patuloy na nagsasalita si Brian Chesky, naging malawak ang kuha ng camera kung saan tampok ang mukha niya at ang nasa paligid niya. Palipat-lipat ang eksena sa iba pang mas malapitang kuha na mula sa iba't ibang anggulo.

Pagkatapos, lumipat ang eksena sa screen ng app, sa pang-edit ng listing. Nakapili ang tab na "Ang patuluyan mo," at may berdeng tuldok na nagsasaad sa katayuang "Naka-list."

Sa paglipat sa tab na "Gabay sa pagdating," lumabas ang pamagat na "Paraan ng pag-check in" at, sa ibaba, nakasulat sa gray na titik ang "Magdagdag ng mga detalye." Nag-zoom out sa buong screen kung saan tampok ang opsyong "Ikonekta ang lock mo para sa walang aberyang pag-check in," mga detalye ng wifi, manwal ng tuluyan, at mga alituntunin sa tuluyan.

Brian Chesky

Pag-usapan natin ang pag-check in. Gaya ng marami sa inyo, may smart lock ako. Mas pinadali na namin ang proseso ng paggamit no'n gamit ang pag-uugnay ng smart lock. Magla-log in lang ako sa account ko sa smart lock sa Airbnb app mismo. At konektado na 'ko. Awtomatikong gagawa ang Airbnb app ng code para sa bawat reserbasyon. Magiging aktibo lang ang code sa panahon ng pamamalagi. Makakapagdagdag ka rin ng oras na pinakamainam sa inyo ng bisita. Magagamit na ang pag-uugnay ng smart lock sa US at Canada sa katapusan ng taong 'to.

Paglalarawan sa eksena

Para sa pag-uugnay ng smart lock, tumuon tayo sa itaas na bahagi ng tab na "Gabay sa pagdating." Sa pag-click sa "Ikonekta ang lock mo para sa walang aberyang pag-check in," lumipat tayo sa screen na may keypad ng mga numero at icon na saradong padlock sa itaas, at may pamagat sa ibaba. Sa loob ng screen, nakasaad sa itim na button ang "Ikonekta" na nakasulat sa puting titik at, sa ibaba noon, may opsyong "Magpatuloy nang hindi nagkokonekta."

Pagka-click sa button, lumabas ang mapagpipilian ng ginagamit na lock at may tatlong pagpipiliang brand: Schlage, Yale, at August. Sa bawat brand, nakalista ang mga pangalan ng iba't ibang modelo ng lock. Pagkapili ng isa, may tumunog na signal kasabay ng animation ng isang smart lock bilang pahiwatig na nakakonekta na. Nagsimulang mag-animate ang gallery ng mga larawang nagtuturo kung paano gawin iyon.

Pinamagatan ang unang larawan ng "Kami ang bahalang magbahagi ng mga code sa mga bisita." Doon, may mga nabuong random na pagkakasunod-sunod ng 4 na numero habang sinasabi ni Brian Chesky na magkakaroon ng natatanging code para sa bawat reserbasyon.

Sunod, may lumabas na timeline na nagsasaad sa "Pag-check in" at "Pag-check out" na may pamagat na "Magiging aktibo lang ang code sa panahon ng pamamalagi ng bisita."

Sinundan iyon ng timeline kung saan itim ang unang bahagi, gray ang gitna, at puti ang huli. Nakasaad ang salitang "Pag-check out" sa pagitan ng unang dalawang seksyon, at nakasaad ang "Mag-e-expire ang code" sa pagitan ng gray at puting seksyon. Nakalagay ang pamagat na "Mag-e-expire ang mga code 30 minuto pagkalipas ng takdang pag‑check out."

Natapos ang bahagi nang kinakausap ulit ni Brian ang camera.

Brian Chesky

At ngayon, sa unang pagkakataon, mapi-preview na ang gabay sa pagdating gaya ng lalabas para sa mga bisita. I-tap lang ang "I-preview." At lalabas na 'yon. 'Yon ang bagong tab na Mga Listing na may inayos na pang-edit ng listing kung saan may "Ang patuluyan mo" at "Gabay sa pagdating," photo tour na hatid ng AI, at pag-uugnay ng smart lock.

Paglalarawan sa eksena

Taos-pusong nagsasalita si Brian Chesky nang nakatitig sa camera.

Lumipat ang eksena sa screen ng app, sa seksyong "Gabay sa pagdating" kung saan nakasaad ang oras ng pag-check in at pag-check out kasama ng iba pang impormasyon. May berdeng icon na baterya sa tabi ng opsyong smart lock. Sa ibaba, may itim na button na may icon na mata at label na "I-preview" sa puting titik. Pagka-click doon, lumabas ang naka-list na property na may litrato (ngayon, isang higaang may makulay na kumot na nasa kuwartong may dalawang patayong bintana sa ulunan ng higaan, frame ng litrato, at mga halaman). Pagkatapos ng paliwanag, bumalik ang camera kay Brian na dahan-dahang nagpatong ng phone niya sa mesa.

Sa screen ng app, mabilisang dinaanan ang mga tab na "Ang patuluyan mo" at "Gabay sa pagdating." Nakapuwesto ang phone sa bandang kaliwa ng screen nang may puting background. Sa isa pang phone na nasa kanan ng unang phone, tampok ang opsyong "Photo tour" na may animation ng pagsasaya. Sa ikatlong phone sa kanan ng larawan, may screen na nagsasaad sa pag-uugnay ng smart lock.

Brian Chesky

Mahigit isang taon na naming pinagsisikapan 'to. Kasama namin dito ang ilan sa pinakamahuhusay na designer at engineer sa mundo, at posibleng ang ginawa nila ang pinakamagandang disenyong nabuo namin. Simple lang ang dahilan kung bakit namin 'to pinag-igihan: dahil alam naming para maging mahusay na host, dapat may mahuhusay na tool. Sa palagay ko, magugustuhan n'yo 'to. At nasasabik na 'kong gamitin n'yo 'to.

Paglalarawan sa eksena

Sa iba't ibang kuha kay Brian Chesky mula sa sari-saring distansya at anggulo habang kinakausap niya ang camera, naoobserbahan nating may mga galaw siyang ginagawa para bigyang-diin ang mga sinasabi niya habang nagpapaliwanag siya. Nagtapos siya nang may malaking ngiting puno ng kumpiyansa.